Monthly Archives: February 2012

Gandang umaga, Hangover

Gandang umaga, Hangover

“$#&*%% ano’ng nangyari kagabi?” Kakapain mo ang cellphone mo — placed calls, sent messages, tweets, FB status updates. “$%^&*# ano’ng pinagsasabi ko kagabi?” Tapos ang susunod mong hahanapin, yung camera. Makikita mo ‘dun kung sino pinakamatibay sa laklakan, kung sino pinakamalandi, sino natulog sa banyo, sino nakabasag nung shotglass, kung saan huling nakita ang nawawalang cellphone ng isa mong bisita. TAMA. Eksena ito sa bawat umaga matapos ang buong gabing pag-party.

Marami na akong napuntahang party. Minsan nga ako pa nag-uumpisa nito. Magsisimula sa isang text brigade o post sa Facebook para magyaya. O minsan talagang biglaan lang, yayain mo si Friend A tapos isasama niya BF niya. Yayain mo si Friend B, isasama niya yung kainuman niya sa bar kung nasan siya nung nagtext ako, etc etc. Tapos dadami kayo. Paghahalu-haluin ang mga inumin, basta maglasang masarap kahit kulay lumot pa yan, pasok na. Mahalaga rin pala ang Chemistry class noong 3rd year HS. Malakas na tugtog, syempre malakas din ang boses sa kwentuhan kasi di kayo magkakarinigan. Ang tanga ‘no? Pero kung wala namang tugtog, paano naman yung dead air sa pagitan ng mga kwento? Lam niyo yan.

Sa dami ng napuntahan kong ganitong kasiyahan, marami akong nakilala. Maraming pagkakaibigang napagtibay, may mga nasira rin. Depende kasi sa taong makakasama mo e. Marami akong kaibigang napakasarap kasama sa inuman. Ang dami niyong napapag-usapan, malamang kasi relaxed na relaxed lang kayo at naiisip niyo lahat ng mga hindi niyo naiisip kapag busy sa trabaho o iba pang bagay. Minsan lumalalim ang usapan kasabay ng paglakas ng amats — ang topic e napupunta sa relihiyon, pulitika, pag-ibig, buhay, at iba pang pilosopiya. May iba rin talagang di maganda ang hangarin at sa alkohol humihiram ng lakas ng loob para gawin ang gusto nila. May pala-away pag lasing. May nambabara nang wala sa lugar. May biglang nagiging singer kapag lasing. May malandi na hinahalikan kahit sino — girl boy bakla tomboy butiki baboy. Marami pang iba. Iimbitahin mo dahil di naman sila ganun kapag hindi sila lasing, at magugulat ka na lang maya-maya, umaariba na sila.

Doon tayo matututo. Sa kung sino’ng tao ang dapat mo pang makasama ulit sa kasiyahan at kung sino’ng hindi na dapat pinapupunta pa. Natutunan kong kapag may reputasyon na ang isang tao sa paggawa ng hindi maganda sa ganung kundisyon e dapat iwasan na. Mas mainam nang maging maingat sa pagpili ng makakasama bago pa may masirang iba. Kaya, eto ang ilan sa mga natutunan ko. Sana magamit niyo rin.

1. Wag ikaw ang maunang mag-pass out. Lalo na kung ikaw ang host ng party. Kapag naramdaman mo nang makapal na mata mo, medyo naninilaw na ang ilaw at di mo na maramdaman ang binti mo, pwede mag-pass sa shot. O kung di sila pumapayag, maraming paso sa paligid. Kailangang bago ka bumagsak, bagsak na rin ang lahat.

2. Wag masyadong magtiwala sa mga taong “pala-kaibigan” kapag lasing. Kayang lusawin ng alkohol ang kahit anong konspeto ng pagkakaibigan o ng kahit ano’ng relasyon. May ibang taong walang ibang maisip na paraan para mapansin sila sa isang party maliban sa panlalandi. Dahil kapag di nila ito gagawin, lalamunin lang sila ng dingding dahil hindi naman sila marunong bumangka sa kwentuhan.

3. Kapag may record na, wag nang imbitahin ulit.

Yun lang naman. Simple. Mas masaya mag-party sa gabi nang wala kang pagsisihan sa umaga.

Party pa? Party pa! Tara. Game kami lagi diyan ng aking best  drinking partner (partner in anything,actually), Jay. Hello, love! We love to party not because we’re young, we are young because we love to party.

Any resemblance to real persons, living or dead, is purely coincidental.

Or not. :)

Ang Paborito kong Baon

Ang Paborito kong Baon

Buwan ng Hulyo, taong 1995. Mababang Paaralan ng Malanday. Grade 1, Section 1, Row 1.

May program sa umaga para sa sikat na sikat ng Nutrition Month, isang kaganapan sa buhay ng mga estudyante ng isang public school kung saan may mga patimpalak sa pag-awit tungkol sa kalusugan, sayaw tungkol sa kalusugan, poster at slogan tungkol sa kalusugan. Tatlong oras na tatayo sa initan para manood, pumalakpak at makipagdaldalan.

Pagkatapos ng programa, nagsibalikan na ang lahat sa kanya-kanyang silid-aralan. Sa isip ko, “Hay salamat.. recess na. Makakain ko na ang paborito kong baon: Siopao at Chuckie.” Hindi ako sigurado kung Chuckie na ang tawag sa kanya noon, o Chocolait pa rin. Basta. Ang tawag ko nga dun nung bata pa ko e “chocolate na may sabaw.”

Binuksan ko na ang lunchbox ko. Nilapag sa lamesa ang namamawis nang siopao at maligamgam na Chuckie (o Chocolait). Sabay sigaw ni Ma’am Lagrada (adviser ko) ng “Girls, boys.. pumila na kayo dito sa labas. Dalhin niyo ang mga gulay niyo.” Kaya pala kami pinabalik sa clasroom para kunin yung mga gulay na ipaparada namin. Ewan ko ba, bakit ba kailangang iparada ang gulay kapag Nutrition Month?

Isang taling sitaw lang yata ang dala ko nun, winawasi-wasiwas sa mga nadadaanang bakod at sasakyan habang naglalakad. Ang tagal. Ano bang makukuha ng mga taong ito sa kalsada kung makita nila ang mga estudyanteng may hawak na gulay? “HINDI NAMIN ITO KINAKAIN, DALA-DALA LANG NAMIN KASI SABI NI MA’AM,” ang bakas sa mukha ng bawat isang pawisang bata.

Nung maikot na namin ang buong Malanday, bumalik na kami sa eskwelahan. Sa gate pa lang rinig ko na ang kalam ng sikmura ko, sumisigaw na ng “Siopao! Chuckie (O Chocolait)!”

Pagbalik ko sa classroom, BLANGKO ang desk ko. Walang nakapatong na siopao at chuckie. Walang kahit anong pagkain. Tiningnan ko sa ilalim, wala. Sa desk ng mga kaklase ko, wala. Sa basurahan dahil baka tinapon ni Aling Naty, wala. Gumuho ang mundo ko. Sinong kumuha ng baon ko?

Umuwi akong mas lanta pa kaysa sa isang taling sitaw na pinarada ko sa buong Malanday. Dala-dala ang mabigat kong bag at aalug-alog na lunchbox dahil bote ng tubig na lang ang laman. Nakasalubong ko si Mama malapit sa bahay namin. Niyakap ko siya at sinabing “Ma, may kumuha ng baon ko. Hindi ako kumain…” Hinimas-himas niya ang likod ko at binilhan ako ng pan de coco sa tindahan ni Aling Connie. Kinain ko yun habang naghihintay ng pananghalian.

Hanggang ngayon ay paborito ko pa ring meryenda ang Siopao at Chuckie. May mga bagay na kahit may masakit na alaala, hindi mo pa rin bibitiwan.

Hindi ko rin naalalang pumalahaw akong iyak noong araw na ‘yon dahil nawalan ako ng baon. Alam ko naman kasing pag-uwi ko sa bahay, may yayakap at hihimas ng likod ko at bibilhan ako ng pan de coco. Pag-asa ba. Pag wala ka na nun, wala na lahat sa ‘yo. Di ba?

Nanakawan man ako ng baon, nagkaroon naman ako ng kwento.